Home » Post Item » STROKE
STROKE
September 17, 2009Kape, yosi at puyat.
Tatlong bagay na hindi ko ata kayang mawala.
Kape, pilit na gumigising sa aking katinuan sa panahong ako’y wala sa aking sarili. Sabi ng iba, sa kape daw nakukuha ang nerbyos! Sa panahon ngayon lahat ng tao nerbyoso, kinakabahan sa ikot ng gulong ng buhay. At Kung sa kanilang pagising nasa lugmok na sitwasyon, magkukumahog na makarating sa ibabaw. Ang sabi ko naman, ang kape ang nagmumulat sa akin ng katinuang isip. Sa kape ko nakita ang tamang sangkap kung paano mag isip ng normal, paano paganahin ang balanse ng puso at isipan, paano paikutin ang mga pagsubok sa buhay at paano lagpasan ang lungkot ng gabi.
Yosi, wala na ata akong makitang lugar na bawal gawin ito. Meron pa nga pala, sa loob ng opisina, pero huwag ka, nakalimutan nyo na bang may banyo at “FIRE EXIT” kung saan pede maganap ang mga katarantaduhan na ito. Hmmmm, marahil sa eskwelahan. Oo nga pala, bawal sa ganun lugar dahil madaming kabataan na pedeng malulong sa ganitong bisyo. Kaya nga ang mga estudyante ngayon, pagkalabas ng eskwelahan ang unang tuloy sa tindahan at lantad na nagsisigarilyo sa kalsadang dinadaan ng kung sino sino hubad sa realidad na ang yosi ay hindi pang porma. Ano nga ba? Sa akin pagkatao kasakasama ko ito sa tuwing naguguluhan ang isipan ko. Pag may sindi akong yosi iisa lang ibig kong ipahiwatig… kailangan kong pag isipan mabuti ang desisyon na aking gagawin. Mahirap iwasan lalo na kung sa araw araw lagi kang nagdedesisyon, kung maari nga lang isalpak lahat ng “STICK” ng yosi ng matapos ang pag iisip bakit hindi. Ngunit, kahit ilang pa ang i-yosi ko minsan sa bandang huli talo pa din ako. Saan nga ba ako pede manalo? Iwasan ko ito at baka tuluyan akong masiraan ng ulo, o magsindi pa rin at tuluyan akong mawala sa mundo.
Puyat, gising hanggang hatinggabi. Minsan iniisip ko, natutulog pa ba ako? Tulog ba tawag dun? ilang oras na gising sa buong araw. Mas mahaba pa nga ang paglalaba kumpara sa pagtulog. Mas mahaba pa ang tambay sa barkada kesa ang pagtulog. Mas mahaba pa ang pagiisip kung ano ang magaganap ng pagsilip ng araw. Mas mahaba pa ang pagtitig sa kawalan naghihintay ng himalang manggagaling kaninuman. Bakit nga ba napupuyat? O sadyang may sarili na rin mundo ang aking mata na kung saan ayaw umidlip. Wari’y para may sariling tropa na kung saan nagiintay ng tagay. Lahat na ng paraan ay natikman, maligo, uminom ng gatas, bumilang pabaliktad, pumikit, at maglasing. Ano pa nga ba ang solusyon sa pagdurusa na ito? Ang huwag pa rin pumikit at umaasang paglipas ng ilang araw tuluyan ng igapos ang aking mga mata sa kadiliman ng pangarap.
All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.


